Pasaherong sumigaw ng ‘bomba’, iniwan sa India

cebu-pacific
File photo

Dahil sa hindi magandang pag-uugali na ipinakita ng isang Pinoy na pasahero, lumapag panandalian sa New Delhi Airoirt ang isang flight ng Cebu Pacific na galing Dubai at pauwi ng Pilipinas.

Bago mag-tanghali kahapon dapat ang lapag sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 ng Cebu Pacific Flight 5J 7954 pero kinailangan nitong mag-divert sa New Delhi Airport.

Sa impormasyon mula sa Manila International Airport Authority (MIAA), apat na oras nang nasa biyahe ang eroplano mula Dubai nang magpakita ng umano’y ‘unruly behavior’ ang isang ‘emotionally unstable’ na pasahero.

Alas 7:30 ng umaga nang sumigaw umano ng ‘bomba’ ang hindi pinangalanang pasahero. Dahil dito, nagpasya ang piloto ng eroplano na dalhin ang flight sa New Delhi Airport. Sakay ng nasabing eroplano ang 406 na pasahero, kabilang ang 6 na sanggol at 13 crew.

Alas 5:00 na ng hapon kahapon ay nasa New Delhi airport pa rin ang nasabing eroplano.

Sa pinakahuling impormasyon mula sa media affairs office ng MIAA, ala 1:34 na ng madaling araw nakalapag ng NAIA ang nasabing Cebu Pacific flight.

Ang pasahero naman ay iniwan sa New Delhi at nasa kostodiya ng konsulada ng Pilipinas doon./ Dona Dominguez-Cargullo, Ruel Perez

Read more...