Pangungunahan ni Davao City Mayor Sara Duterte ang unveiling ng memorial na iaalay para sa mga biktima ng pagsabog sa kanilang lungsod noong nakaraang buwan.
Ayon sa inilabas na pahayag ng lokal na pamahalaan ng Davao, titipunin nila ang mga nakaligtas na biktima pati na ang mga kaanak ng mga nasawi sa pagsabog bilang pag-alala sa kanila.
Bubuksan mamaya ang nasabing memorial, na itinaon rin sa ika-40 araw matapos ang pagpapasabog.
Nangako si Duterte na habang-buhay nilang aalalahanin ang mga biktima ng insidente, kasabay rin aniya ng pagtitiyak nila na hindi na mauulit ang ganitong uri ng terorismo.
Bago ang unveiling ng memorial mamayang alas-4:00 ng hapon, magkakaroon muna ng misa para sa 40th Day ceremony na dadaluhan rin ng alkalde.