Clearing ops sa Mabuhay Lanes, lalong paiigtingin

 

File photo

Dahil sa inaasahang lalong paglala ng lagay ng trapiko ngayong papalapit na ang holidays season, mas paiigtingin ng Interagency Council on Traffic (I-ACT) ang pagsasagawa ng clearing operations sa Mabuhay Lanes sa Metro Manila.

Ayon sa pinuno ng Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG) at chief traffic officer ng I-ACT na si Chief Supt. Antonio Gardiola, sa ngayon ay prayoridad nila ang apat sa 17 Mabuhay Lanes dahil ito ang pinakamadalas daanan ng mga motorista mula sa EDSA.

Ani Gardiola, nakipag-ugnayan na sila sa local government units (LGUs) na nakakasakop sa apat na ruta tulad ng Maynila, Quezon City, San Juan City at Mandaluyong City.

Suportado naman aniya ng mga LGUs ang kanilang mga isasagawang clearing operations sa pamamagitan ng pagpapahiram sa kanilang sariling mga traffic enforcers.

Ilan sa mga bahagi ng Mabuhay Lanes na prayoridad ng I-ACT ay ang mga ruta mula EDSA na dadaan sa West Avenue patungong Mandaluyong-Makati Bridge; Est Avenue palabas ng Dapitan; Quezon City papuntang Makati City na dadaan sa N. Domingo na lalabas sa Mandaluyong-Makati Bridge at mula Estrella na dadaan ng Barangka Drive palabas ng Mindanao Avenue.

Ipapakalat ang mga local traffic enforcers sa mga dadaanang ruta upang matiyak na masita ang mga pasaway na motorista at na walang anumang nakasagabal sa mga kalsada.

Read more...