Itinakda na ng Department of Justice o DOJ sa October 12 ang unang preliminary investigation laban sa tatlong miyembro ng Maute Terrorist Group na sinasabing nasa likod ng malagim na Davao City blast noong September 02.
Ang tatlong suspek ay kinilalang sina TJ Tagadaya Macabalang, Wendel Apostol Facturan, at Musali Mustapha, na pawang nahaharap sa paglabag sa Republic Act 9516 for illegal possession of explosives, firearms and ammunition.
Inatasan ang tatlo na maghain ng kanilang counter-affidavits sa October 12, alas-dos ng hapon.
Ang DOJ Panel na magsasagawa ng preliminary probe ay pamumunuan ni Senior Assistant State Prosecutor Peter Ong, habang ang mga miyembro ng lupon ay sina state prosecutors Susan Azarcon at Ferdinand Fernandez.
Pagkatapos ng mga pagdinig, ang mga prosecutor ay magpapasya na kung maghahain ng kaso kontra sa tatlong Maute members kaugnay sa pambobomba sa night market sa Davao City na ikinamatay ng labing limang indibidwal at ikinasugat ng pitumpu.
Noong Biyernes, dinala sa DOJ ang tatlo upang sumailalim sa inquest proceedings.
Naaresto sila matapos maharang sa isang checkpoint ng Philippine Army at Philippine National Police sa Cotabato City noong October 04.
Nakumpiska sa mga suspek ang iba’t ibang bahagi ng improvised explosive devices, isang sub-machine gun, isang .45 caliber pistol, isang motorsiklo at ilang mga cellphone.