Naglabas ng isang open letter si European Union Ambassador Franz Jessen sa opisyal na Facebook page ng European union delegation tungkol sa kasalukuyang nangyayari sa Pilipinas at pamamahala ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ani ni Jessen, naging mabilis ang pagbabago pagdating sa mga polisiya, mga lengguwahe at iba’t ibang interpretasyon ng mga pahayag at aksyon ni Duterte sa pag-unlad ng Pilipinas.
Dagdag pa ng ambassador, nakikita din nito ang pagpapahalaga ng pangulo sa nagpapatuloy na peace process sa pagitan ng CPP–NPA–NDF at Pilipinas at umaasa aniya siya na maging maganda ang resulta ng kasunduan ng dalawa sa ikalawang pahagi ng peace talks sa Oslo, Norway.
Kaugnay sa mga maaanghang na banat ni Duterte, iniiwasan na ng ambassador na magbigay ng komento dahil kakasimula pa lamang aniya nito sa pamamahala bilang pangulo at kailangan pa ng mas mahabang oras para maisakatuparan ang mga polisya nito.
Dagdag pa ni Jessen, tungkulin ng isang ambassador na initindihan ang mga pagbabago, mga bagong ideya at pananaw sa isang bansa.
Upang intindihin ang Pilipinas, nagbasa aniya ito ng libro kaugnay sa literature ng Pilipinas, bumili ng balut at barong at nagsimulang magsalita ng Tagalog.
Sa ganitong paraan, maaari aniyang makatulong upang maintindihan niya ang tunay na buhay sa PIlipinas.
Samantala, siniguro naman ni Jessen ang publiko na nananatiling matibay ang relasyon at kooperasyon ng EU at Pilipinas pagdating sa usaping pangkalakalan at paglaganap ng energy supply sa bansa.
Binanggit pa ng ambassador ang Business Summit at programang Access to Sustainable Energy Programme (ASEP) kung saan nais makapagbigay ng malinis na energy solutions sa isang daan hanggang limang daang libong tao na naninirahan sa mga liblib na lugar.
Sa kabila ng mga nangyayaring hindi pagkakaintindihan, hindi titigil ang mga programa ng EU hangga’t patuloy ang pagtanggap ng tulong ng Pilipinas.