Hamon ng CHR kay Gordon: Ituloy ang Senate inquiry

 

Binanatan ng Commission on Human Rights (CHR) si Sen. Richard Gordon dahil sa “premature” na pag-suspinde sa pagdinig ng Senado ukol sa umano’y extrajudicial killings sa kampanya ng administrasyon kontra iligal na droga.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Human Rights commissioner Roberto Eugenio Cadiz na malinaw na mali ang pag-akusa ni Gordon ng “material concealment” kay Sen. Leila de Lima, at na dapat humingi ito ng tawad sa senadora.

Matatandaang nagkainitan ang dalawang senador sa pagdinig noong Lunes ng gabi, kaya bilang pinuno ng Senate committee on justice.

Nagdesisyon si Gordon na suspendehin ang mga pagdinig na sinundan ng pagpapatawag niya ng closed-door caucus para pag-usapan ang isyu.

Ipinunto ni Cadiz na noong nag-walk out si De Lima, in-adjourn na ni Gordon ang pagdinig, at sapat na aniya itong dahilan para paniwalaang may kinatatakutan si Gordon sa nasabing inquiry.

Dahil dito, hinamon ni Cadiz si Gordon na ipagpatuloy ang pagdinig at pakinggan ang mga sasabihin ng iba pang mga testigo, kundi ay mapapatunayan na ang senador ang duwag at hindi ang star witness na si Edgar Matobato o si De Lima.

Premature rin aniya ang ginawang suspensyon dahil marami pang testigo na nakatakdang iharap sa pagdinig, lalo’t mahigit 10 pa ang ipi-presenta ng CHR.

Hindi rin niya aniya mawari kung bakit sinabihan si Matobato na tumakas gayong mahigit dose oras na itong naroon ngunit hindi naman siya agad isinalang sa witness stand.

Hindi rin aniya sana kakailanganing umalis agad ni Matobato kung pinayagan lang ng Senado na isailalim ito sa kustodiya ng sergeant at arms kung saan 24-oras siyang makakapamalagi at maaring tanungin ng mga senador kahit gaano katagal nilang gustuhin.

Read more...