Pangulong Duterte, nakatitiyak na si De Lima ang nasa sex video – Malacañang

 

Inquirer file photo

Inihayag ng Palasyo ng Malacañang na nakasisiguro si Pangulong Rodrigo Duterte na si Sen. Leila de Lima ang napanood niya sa isang sex video kasama ang hinihinalang lover nito.

Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, hindi na dapat ungkatin pa ang mga opinyon kaugnay sa isyu na ito lalo’t umani na rin ito ng maraming pag-puna.

Matatandaang ilang beses nang sinabi ng pangulo na napanood na niya ang umano’y sex video ng senadora, at minsan niya pang sinabi na sa tuwing nakikita niya ang naturang video ay nawawalan siya ng gana.

Nang tanungin naman si Abella kung pinaninindigan ng pangulo na si De Lima ang napanood niya sa sex video, sinabi lang ng tagapagsalita na: “That is his statement.”

Hindi rin naman masabi ni Abella kung posibleng nagkamali ang pangulo sa paniniwala nito sa authenticity ng video.

Una nang binawi ng mga kaalyado ng pangulo na sina Justice Sec. Vitaliano Aguirre at House Speaker Pantaleon Alvarez ang kanilang pahayag kaugnay sa paggamit ng nasabing sex video sa pagdinig ng Kamara tungkol sa kalakalan ng iligal na droga sa New Bilibid Prisons.

Read more...