Bilibid drug money umabot ng P10B sa loob lang ng dalawang taon

New-Bilibid-PrisonMaliit pa umano ang P10 billion pork barrel fund scam na kinasangkutan ng tinaguriang pork barrel queen na si Janet Lim Napoles, kung ang pag-uusapan ay ang kita ng transaksyon ng ilegal na droga sa New Bilibid Prisons (NBP).

Ayon kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre II, kung pagbabatayan kasi ang mga mga bank records na kanilang sinusuri, aabot na sa P10 billion nang drug money sa Bilibid at ang halagang ito ay nakuha sa loob lamang ng nakalipas na dalawang taon.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Aguirre na patuloy ang pagbusisi nila sa nasabing mga bank accounts at hihilingin nila sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na maibigay sa kanila ang kinakailangang records.

Ani Aguirre, ang nasabing mga bank records ay naglalaman ng mga bank transaction partikular na ang pagdedeposito ng perang napagbentahan ng illegal na droga.

“Ang bank records, hindi pa kami tapos sa AMLC, napakaraming bank records na aming papatiginan, at ang laman ng mga bank records na ito ay hindi kukulangin sa P10B. Sa mga bank record na iyan, diyan inihuhulog ang pera sa mga contact na outsiders. Ang halagang iyan po ay sa loob lamang ng dalawang taon na drug trade sa Bilibid ” ayon kay Aguirre.

Dagdag pa ni Aguirre, kabilang sa aalamin ng DOJ ay kung may kaugnayan ang nasabing halaga ng bank transactions sa eleksyon.

Aminado rin si Aguirre na hindi pa nila nakakalkal ang lahat ng kinakailangang records at ang impormasyon nila ngayon hinggil sa mga rekord ng bank transactions ay ‘tip of the iceberg’ pa lamang.

“Ikakabit pa po natin iyang mga bank records na iyan, ico-connect natin, iyan ang next assignment na gagawin ko. Tip of the iceberg pa ang lang ito, meron pa tayong iba pang bank records na hahanapin,” ani Aguirre.

Ani Aguirre, hindi imposible na umabot nga sa P10 billion ang drug money sa BIlibid sa loob ng dalawang taon, dahil batay sa testimonya ng isa sa mga high profile inmate na si Rodolfo Magleo, sa loob ng tatlong buwan, umabot sa P1 bilyon ang kanilang “collectible” o nakulektang pera.

Samantala sa pagpapatuloy ng hearing bukas sa kamara, walo hanggang sampung testigo ang ihaharap na resource persons ng DOJ.

 

 

Read more...