Ito’y matapos siyang kastiguhin ng pinuno ng Senate committee on justice na si Sen. Richard Gordon, dahil sa umano’y “material concealment.”
Binanatan ni Gordon si De Lima dahil hindi sinabi agad ng senadora sa mga nagdaang pagdinig na mayroon palang nakabinbin na kasong kidnapping laban sa kaniyang iprinisentang witness na si Edgar Matobato sa National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa umano’y pagdukot nito sa isang Salim Makdum.
Lumutang lang kasi sa pagdinig sa Senado ang tungkol sa nasabing kaso laban kay Matobato nang ibunyag ito ng mga pulis Davao na inakusahan ni Matobato na miyembro umano ng DDS.
Sa mga naunang pagdinig, isiniwalat ni Matobato na si Makdum na sinasabi niyang isang hinihinalang terorista ay pinadukot at pinapatay ng Davao Death Squad.
Matapos lumutang ang nasabing impormasyon, inamin ni De Lima na bahagi ito ng kaniyang “notes” na kaniyang nakalap sa ilang beses na panayam kay Matobato bago ito iharap sa Senado.
Aminado naman si De Lima na isa itong pagkakamali dahil nalaktawan niya ang impormasyong ito.
Gayunman nagalit si Gordon dahil giit ng senador, hindi na sana humaba pa ang proseso sakaling sinabi ito agad ni De Lima, dahilan para akusahan niya ang senadora ng “material concelment” lalo na’t mahalaga ang nasabing impormasyon.
Nang ipapatawag na ni Gordon si Matobato, napag-alaman na lamang nila mula sa isang staff ni Sen. Antonio Trillanes IV na tumakas na pala ito sa Senado.