Ikatlong ‘narco-list’ ni Duterte, posibleng isapubliko na sa mga susunod na araw

Narco-list
File photo

Posibleng ilabas sa mga susunod na araw ang ikatlong “narco-list” ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang kinumpirma ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II.

Ayon kay Aguirre, maaari nang isapubliko ng pangulo ang naturang narco-list ngayong darating na linggo dahil meron aniya silang Cabinet meeting bukas, October 3.

Kasabay nito, tiniyak ng kalihim na magiging ‘credible’ ang ilalabas na naturang narco-list ng pangulo.

Kamakailan ay naging kaduda-duda ang mga naunang narco-list ni Duterte matapos aminin ang lapses sa pagsasangkot nito kay Pangasinan Rep. Amado Espino at dalawa pang opisyal sa iligal na droga.

Sinabi ni Aguirre na na-delay ang paglalabas ng ikatlong narco-list dahil nais ni Pangulong Duterte na masusi itong masiyasat.

Limang beses aniyang pina-verify ng pangulo sa mga law enforcement agency ang naturang listahan bago ito ilabas sa publiko.

Una nang inihayag ni Pangulong Duterte na hindi bababa sa isanlibong indibiduwal ang kabilang sa panibagong narco-list na kanyang ilalabas.

Sinabi rin ng pangulo na kabilang sa listahan ang ilang Chinese nationals at hindi bababa sa apatnapung hukom.

Read more...