Dating misis ni Kerwin Espinosa, patay makaraang pagbabarilin sa Cebu City

crime-scene-tapePatay matapos pagbabarilin ang dating asawa ng umano’y drug lord na si Kerwin Espinosa sa Cebu City, tanghali ng Biyernes.

Ayon kay Police Regional Office 7 Director Chief Supt. Noli Talino, kinilala ang biktima na si Annalou Llaguno na kasama ang kasintahan nang maganap ang insidente.

Nabatid na nakasakay si Llaguno sa isang motorsiklo kasama ang kasintahan na si na nakilalang si John Joseph Romarate nang pagbabarilin ng tatlong hindi pa nakikilalang gunmen.

Binabaybay nina Llaguno at Romarate ang Carlock Street sa Barangay Duljo nang dikitan sila ng isa pang motorsiklo sakay ang tatlong suspek.

Isa sa mga suspek ang naglabas ng baril at pinaputukan ng ilang beses si Llaguno.

Agad na naisugod sa ospital si Llaguno ngunit idineklara itong dead on arrival habang wala naman natamong sugat ang kasintahan nito na si Romarate na nasa kustodiya na ng pulisya.

Nabatid na dating kasintahan din ni Llaguno ang isa pang umano’y drug lord na si Jeffrey “Jaguar” Diaz na napatay sa isang police operation noong June ng kasalukuyang taon.

Read more...