Dating vice mayor ng Rodriguez, Rizal, abswelto sa kasong graft

sandigan-bayan-building-facadeInabswelto ng Sandiganbayan sa kasong graft ang dating vice mayor ng Rodriguez Rizal at ngayon ay Konsehal na si Jonas Cruz.

Sa desisyon ng Sandiganbayan 3rd division, nabigo ang prosekusyon na patunayan na may kinalaman ang tanggapan ni Cruz sa hindi pagbabayad sa sweldo ng mga empleyado ng munisipyo noong 2009.

Ipinaliwanag ng anti-graft court na nabigo ang prosekusyon na patunayan na nakarating sa tanggapan noon ni Cruz bilang vice mayor ang payroll documents ng mga nagreklamong empleyado.

Dahil dito, wala umano basehan ang akusasyon na nagpabaya si Cruz sa kaniyang administrative function bilang bise alkalde.

Ang kaso ay isinampa noon laban kay Cruz at sa noon ay municipal treasurer na si Nemencia Sta. Maria dahil sa umano ay pagbalewala sa pagproseso sa sweldo ng limang empleyado ng munispyo.

Kasama ring napawalang sala si Sta. Maria.

Batay sa rekord ng kaso, hindi umano naiproseso ang sweldo para sa mga job order employees na sina Maricris Norio, Mary Rose Bracero, Jocelyn Lauzon, Yolanda Luna at Leona Aquino mula Sept. 11 hanggang Oct. 10, 2009, noong si Cruz ay naupo bilang acting mayor ng Rodriguez.

Umaabot sa P24,973.00 ang sinasabing hindi naibayad na sweldo.

Si Jonas Cruz ay nanilbihan bilang vice mayor ng bayan ng Rodriguez sa loob ng tatlong termino, at nahalal muli bilang konsehal noong nagdaang May 2016 elections.

Read more...