Samsung, naglabas na ng abiso hinggil sa depektibong washing machine

Samsung LogoMatapos magkaproblema at bawiin sa merkado ang latest model ng kanilang cellphone na Galaxy Note 7, isyu naman kaugnay sa umano ay sumasabog na washing machine ang kinakaharap ngayon ng kumpanyang Samsung.

Ito ay matapos lumabas sa mga balita kamakailan na mayroong depektibong washing machine ng Samsung ang sumasabog ang dryer.

Ayon sa pamunuan ng Samsung, nakikipag-ugnayan na sila sa US Consumer Product Safety Commission hinggil sa sinasabing washing machines na depektibo.

Ang mga washing machines na apektado ay ginawa mula March 2011 hanggang April 2016.

Sa official statement ng Samsung mayroong banta ng “personal injury” o “property damage” ang paggamit ng nasabing mga washing machines, pero hindi naman nito partikular na tinukoy na sumasabog nga ang produkto.

Ayon pa sa Samsung ang mga modelo ng washing machine na ibinebenta sa labas ng North America ay hindi naman apektado.

Hindi rin ibinigay ng Samsung ang partikular na model ng washing machine na depektibo.

Pero inilarawan ang produkto bilang “top-load washing machine”.

Magugunitang hindi pa tuluyang nakakabangon ang Samsung sa naging problema ng Note 7 na umano ay nasusunog ang baterya.

Nagdulot pa ito ng malawakang recall sa mga Galaxy Note 7 na naibenta na at pinayagan ang mga kliyente na pumili ng gusto nilang unit na ipapalit.

 

Read more...