Nagkaroon ng pagbabago sa schedule ng public viewing para sa mga labi ni dating Sen. Miriam Defensor-Santiago.
Una kasing sinabi ng isang staff ng Youth for Miriam Movement na tumutulong sa pangangasiwa ng public viewing na pansamantalang ihihinto ang pagpapahintulot sa publiko na masilayan ang yumaong senadora pagdating ng alas-3:00 ng madaling araw.
Ngunit pagdating ng pasado hatinggabi, sinabi ng isa sa mga staff na hindi na ihihinto ang public viewing tulad ng unang napag-desisyunan kaya 24-oras nang maaring makadalaw ang sinumang naising makiramay sa pagpanaw ni Santiago.
Magpapatuloy ang public viewing hanggang October 2.
Sa ngayon hindi pa tiyak kung ililibing ba talaga o isasailalim sa cremation ang mga labi ni Santiago, dahil wala pang inilalabas na pahayag ang asawa niyang si Jun Santiago kaugnay dito.
Pumanaw kahapon ang dating senadora matapos ang dalawang taong pakikipaglaban sa sakit na lung cancer.