Hindi sang-ayon si Vice President Leni Robredo sa pagsasapubliko ng Kamara de Representante sa sinasabing sex tape ni Senador Leila de Lima.
Ayon kay Robredo, bilang dating kongresista, hindi niya makita kung paano makakatulong sa talakayan ng isyu ang plano ng house justice committee.
Bilang isa namang abogado, naniniwala siya na ang pagpapakita sa publiko ng nasabing sex tape ay labag sa batas, sa human at women’s rights.
Nakakabahala aniya ang balak ng mga kongresista dahil ito ay mistulang public shaming sa isang babae at pag-atake sa dignidad ng pagkatao.
Kaugnay nito, umapela siya sa mga dating kasamahan sa kamara na maging makatwiran at magalang sa paghahanap ng katotohanan.
Dapat din na pagsumikapan ang pag iral ng respeto at professionalism sa gobyerno.