(UPDATE) Tatlong sinasabing miyembro ng Abu Sayyaf Group ang nasawi habang isang sundalo ang nasugatan sa naganap na engkwentro sa Sitio Kan Mahaddi, Brgy Pugad Manaul, Panamao, Sulu kaninang 7:20 ng umaga.
Ayon kay LtCol. Vladimir Villanueva, Battalion Commander ng 35th Infantry Battalion ng Philippine Army na nagsasagawa ng combat clearing operations ang mga tauhan ng Bravo Company ng 35th IB nang makasagupa ang nasa tatlumpung miyembro ng ASG.
Nagkaroon anya ng nasa dalawampung minutong palitan ng putok na ikinasawi ng isang alyas Dadi na miyembro ng Abu Sayyaf habang dinala naman ng mga kasamahan ng mga ito ang dalawa pa.
Nakilala naman ang nasugatan na sundalo na si Sgt Berjamin Jumdana ng 35th IB.
Kaagad dinala sa Camp Teodolfo Bautista sa Jolo, Sulu ang nasawi habang isinugod naman sa Camp Teodolfo Station hospital ang sundalo na nasugatan sa braso.
Mabilis namang tumakas ang mga ASG na ilalim ni sub leader Alhabsy Misaya.
Samantala, dakong 9:05 naman ng umaga kanina nang makasagupa ng mga tauhan ng 10th Infantry Battalion ng Philippine Army ang nasabi ring grupo ng Abu Sayyaf.
Sa nasabing sagupaan tatlong miyembro ng ASG ang nasugatan.
Ayon kay Col. Rodrigo Gregorio, tagapagsalita ng Joint Task Force Sulu nagsasagawa ng operasyon ang mga tauhan ng 10th Infantry Battalion ng Philippine Army nang makasagupa ang ASG sa barangay kung saan ang mga ito naka engkwentro ng 35IB.
Ang mga ito anya ang may hawak sa ilang Malaysian at Indonesian hostages.