Bumagsak ang dalawang bahay sa Barangay Nangka, Marikina City matapos na gumuho ang bahagi ng rip-rap sa gilid ng ilog na nagdudugtong sa Marikina at San Mateo, Rizal.
Lumambot kasi ang lupa sa bahagi ng Brgy. Nangka dahil sa magdamag na pag-ulan na naranasan.
Maliban sa dalawang bahay na napasama sa pagguho ay nanganganib din na bumagsak ang iba pang mga bahay sa gilid ng ilog.
@dzIQ990 bahay gumuho sa paglambot ng lupa malapit sa Boundary ng Marikina at San Mateo River pic.twitter.com/2pnplgdRqt
— Ricky Brozas (@RickyBrozas) September 28, 2016
Wala namang nasaktan na residente sa naganap na pagguho.
Sa panayam naman ng Radyo Inquirer, sinabi ni Marikina City Mayor Marcelino Teodoro na sa nakalipas na dalawang linggo, tatlong rip-rap na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang gumuguho sa Marikina.
Kabilang dito ang dalawang rip-rap sa Barangay Nangka at isa sa Marikina Heights.
Hinala ni Teodoro, mahina ang pagkakagawa sa nasabing mga rip-rap.