1 patay, 2 sugatan sa karambola ng 3 truck at isang Grab taxi sa Maynila

Kuha ni Jong Manlapaz
Kuha ni Jong Manlapaz

Patay ang isang babaeng pasahero, habang sugatan naman ang kasama niya at ang Grab Taxi driver matapos maipit ng tatlong naglalakihang mga truck sa southbound lane ng Nagtahan Bridge sa Sta. Mesa, Manila.

Kinilala ang nasawing biktima na si Ivory Abaya, 25-anyos, habang ang isa pang pasaherong sugatan ay nakilala naman na si Karen Graneta, 25-anyos na pawing mga nagta-trabaho sa isang casino at pauwi na sana sa kanilang condominium. Hindi naman napangalanan ang driver ng Grab.

Ayon sa driver ng trailer truck na may kargang buhangin na si Edison Gonzales, nawalan siya ng preno habang pababa ng Nagtahan Bridge, kaya’t sumalpok siya sa isa pang trak na nasa kanyang unahan, na mabilis namang dumausdos at sumalpok sa likurang bahagi ng kotse o Grab taxi na sinasakyan ng tatlong biktima.

Todong lakas naman na bumangga ang Grab taxi sa nasa unahan nitong isa pang truck.

Sa naturang karambola ng apat na sasakyan, lubhang nayupi na parang lata ang Grab taxi.

Mahigit isang oras na naipit sa loob ng kotse ang tatlong biktima bago tuluyang naialis ng mga rumespondeng rescuer.

Samantala, hawak na ng mga otoridad ang driver ng trailer truck na nawalan umano ng preno.

Hanggang ngayon ay hindi pa naiaalis ang dalawang truck.

 

 

 

Read more...