Taiwanese animators, ginawang ‘clown’ si Pangulong Duterte

 

Inquirer file photo

Laman ng social media ngayon ang isang cartoon o animation video na gawa umano sa Taiwan na nagsasalarawan kay Pangulong Rodrigo Duterte bilang isang ‘clown’ o payaso na pumapatay ng mga tao sa Pilipinas.

Ginawa ng mga umano’y Taiwanese animators ang naturang video bilang pagkondena sa pakikipagmabutihan umano ni Pangulong Duterte sa mga bansang Russia at China at pagbatikos sa mga kaso ng mga pagpatay sa bansa.

Makikita rin sa video at sa English transalation dito ang pangunguna umano ng pangulo na nakasuot ng ‘clown costume’ sa pagpatay sa mga gumagamit at nagbebenta ng iligal na droga.

Ipinakita rin sa animation ang pagmumura ng pangulo kina Pope Francis, US President Barack Obama at United Nations dahil sa pagkwesyon ng mga ito sa extrajudicial killings.

Nagpapakita rin aniya ng paglambot si Pangulong Duterte sa isyu ng agawan ng teritoryo sa South China Sea dahil sa ginagawa nitong pakikipagmabutihan sa China.

Ang Taiwan ay isa sa mga claimant country sa ilan sa mga isla sa Spratlys.

Matagal na ring iginigiit ng Taiwan na isa itong hiwalay na bansa, bagay na kinokontra ng China na ipinipilit na ang Taiwan ay bahagi ng kanilang teritoryo.

Read more...