Jaybee Sebastian, magiging “adverse witness” kaugnay sa NBP drug trade

jaybee-sebastian-richardInaasahan na ni House Committee on Justice Chairman Reynaldo Umali na magiging ‘adverse witness’ ang kilalang high-profile drug lord na si Jaybee Sebastian.

Ayon kay Umali, batid niya, maging ng iba pang mga mambabatas na itatanggi ni Sebastian ang mga testimonya ng iba pang mga preso laban sa kanya.

Subalit pagtitiyak ni Umali, sa oras na sumalang si Sebastian sa pagdinig ng komite ay mailalabas ang katotohanan, depende na rin sa husay na mag-cross examine ng mga kongresista.

Paniwala pa ng justice panel chairman, magiging kritikal ang mga magiging pahayag ni Sebastian ukol sa drug trade sa New Bilibid Prison, at kung may isisiwalat man siya kontra kay Senadora Leila de Lima.

Nauna nang sinabi ni Umali na inobliga niya si Justice Secretary Vitaliano Aguirre na iharap si Sebastian sa justice committee ng Kamara sa October 5, ang ikatlong congressional inquiry ng lupon.

Dagdag ni Umali, siguradong maihaharap si Sebastian sa lower house dahil bilanggo siya na nasa kostodiya ng DOJ at suspendido ang mga karapatan.

Batay sa mga affidavit at salaysay ng mga nakalipas na testigo gaya ni Herbert Colangco, si Sebastian ang nasa sentro ng kalakalan ng droga sa NBP para umano ipang-pondo sa kandidatura ni De Lima, na noo’y kalihim pa ng DOJ.

Inalis din umano ang Bilibid 19 sa Maximum Security Compound upang masolo ni Sebastian ang drug trade doon.

 

 

 

Read more...