1 patay sa drug operation sa QC; 3 hinihinalang biktima ng salvage, natagpuan sa Maynila at Pasay

Kuha ni Jong Manlapaz
Kuha ni Jong Manlapaz

Papasok pa lamang ng eskinita ng Sitio Warayan, Barangay Pasong Putik sa Quezon City ang isang pulis para kumpirmahin ang sumbong na may nagbebenta ng shabu sa lugar.

Isang alyas “Paka” ang agad na lumapit sa asset na pulis at tinanong kung “bibili kaba?”

Pero mabilis na nakatunog ang pusher na pulis pala ang kaharap kaya pinaputuhan niya ito.

Agad namang gumanti ng putok ang pulis na kinamatay ni Paka.

Nakuha mula kay Paka ang caliber .22 magnum revolver, at ilang piraso ng maliliit na plastic sealed sachet na hinihinalang naglalaman ng shabu.

Nadiskubre rin ni P/Supt. Alex DJ Alberto na isang tali, na kinakalabit lamang ng mga bibili ng shabu.

 

Sa sandaling kalabitin ang tali, may bell na tutunog na hudyat naman sa mga pusher na mayroong bibili ng ilegal na droga.

Samantala, sa Maynila, isang lalaki ang natagpuang patay sa 5th Avenue malapit lamang sa LRT 5th Ave station.

Ang lalaki ay may tama ng bala ng baril nakasuot ng sando at pantalon at ginapos ng packaging tape ang mga kamay.

Isang saksi naman ang nakakita sa pangyayari.

Kuha ni Jong Manlapaz

Isang single na motor umano ang dumaan sa harap niya na may nakasakay na tatlong lalake.

Nakagapos umano ang lalaking nasa gitna ng nasabing motorsiklo at pagsapit sa 5th Avenue ay itinulak ito at saka pinagbabaril ng tatlong beses.

Ang mga suspek ay nakasuot ng kulay green at itim na T-shirt at mabilis na tumakas.

Sa Pasay City naman nakabalot ng plastic at dinikitan ng packaging at duct tape ang buong mukha ng isang lalaki at isang babae nang matagpuan sa Pearl Drive.

Wala pang pagkakakilanlan ang dalawang biktima na nakasuot ng pulang T-shirt at pantalon ang babae, habang dilaw na T-shirt naman ang suot ng lalaki.

Kapwa nakatali ang mga kamay ng dalawang biktima.

Ayon sa Pasay City Police, alas 3:25 nang madaling araw nang makita ng isang basurero ang mga bangkay kaya’t agad niya itong inireport sa mga security guard na tumawag rin ng pulis.

Batay sa inisyal na pagsisyasat, posibleng itinapon lamang sa lugar ang mga biktima dahil walang nakakakilala sa kanila sa lugar at wala ring pagkakakilanlan na nakuha ang mga pulis mula sa mga ito.

Read more...