Ayon kay Southern Police District spokesperson Supt. Jenny Tecson, naaresto ang suspek na si James Andrew Pacis sa isang fastfood chain sa Barangay Putatan sa Muntinlupa City.
Ayon sa nagreklamong si Edson Michael Samson na taga-San Pedro, Laguna, ninakaw ang kaniyang camera at mga accessories sa kaniyang sasakyan noong December 15, 2014.
May sumira aniya sa kaliwang rear window ng kaniyang sasakyan na nakaparada sa Research Institute for Tropical Medicine sa Alabang kung saan siya nagtatrabaho, at kinuha ang kaniyang camera bag na naglalaman ng mga gadgets.
Noong Biyernes, nakita ni Simon ang isang camera na may kaparehong serial number ng kaniyang nawawalang camera na ibinebenta sa internet, kaya naisipan niyang kausapin ang nagbebenta at makipagkita.
Dito na humingi ng tulong sa pulisya si Simon, kasabay ng pagpapakita ng resibo na naglalaman ng serial number ng kaniyang camera na kapareho ng sa camera na ibinebenta.
Nakipagkita si Simon kay Pacis noong Sabado ng umaga at tinimbrehan ang mga operatiba na iyon ngang mga binili niya sa suspek ay ang kaniyang mga gamit na nawala.
Inaresto si Pacis at narekober sa kaniya ang bag na naglalaman ng Sony DSLR, ilang filters, lente, flash at camera battery kasama ang charger.
Dahil dito mahaharap sa kasong Anti-Fencing Law si Pacis sa prosecutor’s office ng Muntinlupa.