DOJ, tiniyak na dadalo si Jaybee Sebastian sa susunod na pagdinig ng Kongreso hinggil sa illegal drug trade sa Bilibid

jaybee-sebastian-richardTiniyak ng Department of Justice na dadalo si Jaybee Sebastian sa susunod na pagdinig ng Kongreso ukol sa paglaganap ng iligal na droga sa New Bilibid Prison.

Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, kung kinakailangan pilitin na makuha si Sebastian sa Bilibid at mapapunta sa pagdinig, ay gagawin nila ito.

Nilinaw ni Aguirre na walang inilabas na subpoena ang Kongreso pero lumalabas aniya na siya ang inaatasan ng Mababang Kapulungan bilang pinuno na rin ng DOJ na mapapunta sa naturang pagdinig si Sebastian.

Si Sebastian ay ang nangolekta umano ng pera sa kapwa high-profile inmates bilang pondo sa pangangampanya ni Sen. Leila de Lima noong nakaraang eleksyon.

Sinabi rin ng kalihim na hindi DOJ witness si Sebastian at wala itong nalalaman sa kung ano ang magiging pahayag ng iba pang high-profile inmate sa susunod na pagdinig.

Dalawang bagay lang aniya ang maaaring gawin ni Sebastian sa susunod na pagdinig, at iyon ay magsabi ng totoo o ng kasinungalingan.

Binanggit din ni Aguirre na ipinagpaliban ng Kongreso sa October 5 ang susunod na hearing dahil inutusan siya ni Pangulong Rodrigo Duterte na sumama sa pagbiyahe nito sa Vietman sa September 27 hanggang 30.

Read more...