Naaresto na ang suspek sa naganap na pamamaril sa isang shopping mall sa Washington, US noong gabi ng Biyernes na ikinasawi ng lima katao.
Ito ang kinumpirma ni Washington State Patrol spokesman Sergeant Mark Francis sa kanyang Twitter account.
Ayon sa police report, bigla na lamang walang habas na namaril ang suspek sa make-up section ng Macy department store ng Cascade Mall sa Burlington kung saan apat na babae at isang lalaki ang nasawi.
Matapos ang insidente, agad na inilagay sa lockdown ang naturang mall habang ginagamot ang mga nasugutan.
Sinabi naman ng Federal Bureau of Investigation office sa Seattle na walang silang nakitang ebidensya na ang naganap na pamamaril ay isang terror attack.
Narekober sa crime scene ang isang baril na hindi na idinetalye kung anong uri.
Inaalam na ngayon ng mga otoridad ang motibo sa marahas na pamamaril.
Dahil sa pangyayari, isang vigil ang isinagawa ng pamilya ng mga biktima sa Maiben Park sa Burlington.
Kinabukasan, araw ng Sabado, ay pansamantalang isinara ang mall upang magbigay respeto sa mga biktima.