Ayon sa inisyal na impormasyon mula sa Patikul Municipal Police, pinagbabaril hanggang sa mapatay si Maj. Nurhussin Hadjaruddin, commanding officer ng Bravo company ng545th Engineer Construction Battalion, 52nd Engineer Brigade, Philippine Army.
Tumakas naman ang suspek na si Cpl. Julhalim Indanan na tauhan ng biktima.
Nabatid na bandang alas 9:10 ng umaga ng Biyernes nang lapitan ng suspek ang biktima upang magpaalam na pansamantalang magbakasyon subalit hindi ito pinayagan.
Umalis ang suspek at pagbalik may dala na itong M-16 armalite riffle saka kinamayan ang kanyang opisyal.
Umatras ng ilang hakbang ang suspek saka pinagbabaril ang biktima na naging dahilan ng agaran nitong pagkamatay.
Naubos diumano ni Indanan ang isang magazine ng armalite kay Hadjaruddin at agad na tumakas dala-dala ang baril.
Posible ayon sa pulisya na dinamdam ng suspek ang hindi pagpayag ng kanyang opisyal kaya nito nagawa ang krimen.
Nagsasagawa na ng manhunt operation ang mga awtoridad upang maaresto ang suspek.
Ayon sa report ng Western Mindanao Command, agad na dinala si Hadjaruddin sa Kuta Heneral Teodulfo Bautista Hospital subalit idineklara itong dead on arrival alas 9:48 ng umaga.
Sa panayam ng Radyo Inquirer sa mga kaanak at kaibigan ni Hadjaruddin, iginiit ng mga ito na mabait at matulungin sa kapwa ang naturang opisyal at walang dahilan upang patayin ito.
Naniniwala silang kusang nag-amok ang sundalo dahil sa personal na problema.
Napansin daw ng mga kasamahan nito na Huwebes pa lang ng gabi na mukhang tuliro at may bumabagabag sa naturang sundalo.
Naulila ni Hadjaruddin ang kanyang asawa na si Hadja Adarna Hadjaruddin na isang guro at dalawang anak na lalaki na pawang nakapagtapos na sa kolehiyo.
Agad namang ililibing si Hadjaruddin sa kanyang bayan sa Parang, Sulu.