Ang pagbuhay at pagsasampa na ng kaso laban kay Marine Lt. Col. Ferdinand Marcelino at kasama nitong Chinese kaugnay sa pagkakadakip sa kanila sa isang clandestine laboratory sa Maynila ay bahagi ng panggigipit sa nasabing marine official.
Ayon kay Senator Leila De Lima, may mga pumipilit kay Marcelino na magtahi-tahi din ng storya laban sa kaniya kaugnay sa ilegal na droga.
Pero ani De Lima, hindi pumayag si Marcelino sa nais ng mga hindi binanggit na grupong kumukumbinsi sa kaniya dahilan para buhayin ng Department of Justice ang kaso niya at isampa ito sa korte.
Dalawang mensahe pa ni Marcelino na ipinadala kay De Lima ang binasa ng senadora sa harap ng media.
Ani De Lima, mga mensahe ay ipinadala ni Marcelino noong July 19, 2016 at Sept. 5, 2016 sa kaniyang Mistah, at dahil ang nasabing Mistah ni Marcelino ay kaibigan ni De Lima ay naiforward ito sa kaniya.
Sa unang mensahe, nakasaad ang pagpapasalamat ni Marcelino sa nasabing Mistah dahil sa tulong nito noong sya ay nakakulong.
Binanggit din ni Marcelino sa mensahe na hindi siya masyadong makagalaw at makalabas dahil may gustong pumatay sa kaniya.
Sinabi rin ni Marcelino na may mga grupong kumukumbinsi sa kaniya para magsalita laban kay Sen. LD. Ayon kay De Lima, siya ang tinutukoy na Senator LD ni Marcelino.
“Mistah gud PM, magpasalamat lang sana ako sa lahat ng tulong at efforts mo for me habang ako ay nasa kulungan, I can never thank you enough Mistah. Hindi pa ako masyado makagalaw at makalabas ngayon dahil ang daming gustong kumatay sa akin ngayon. Hindi ko pa din mapuntahan si Sen LD kasi ginagawan kami ng fabricated stories. There were some groups trying to convince me to speak against her. Make sure na hindi ako papagamit sa kanila Mistah. Magpasalamat din ako sana sa kaniya (De Lima) personally when everything settled down,” ang bahagi ng text message umano ni Marcelino na binasan ni De Lima.
Sa ikalawang mensahe na ipinadala lamang ni Marcelino noong September 5, sa umano ay kaniyang Mistah.
Nakasaad sa mensahe na tumitindi umano ang pressure laban kay Marcelino at muli pang bubuksan ang kaniyang kaso.
“Mistah, pressures against me are mounting, they will even reopen my case, rest assured I will never give in to them Mistah,” ang laman ng ikalawang mensahe ni Marcelino.
Ayon kay De Lima, hiningi niya ang permiso ni Marcelino sa pamamagitan ng hindi pinangalanang Mistah, bago niya isinapubliko ang dalawang mensahe.
Ang pagsasampa ng kaso sa korte ng DOJ kahapon laban kay Marcelino ay malinaw ayon kay De Lima na bahagi na ng hakbang para ito ay gipitin dahil sa pagtanggi niyang magsalita ng mga gawa-gawang istorya laban sa senadora.