Ito’y makaraang mabuo na ng Kataas-taasang Hukuman ang fact finding team na magsasagawa ng imbestigasyon sa pagkakasangkot umano ng apat na huwes sa droga.
Sa pamamagitan ng resolusyon, inanunsyo ng SC ang pagtatalaga kay Supreme Court Justice Roberto A. Abad bilang pinuno ng binuong fact finding mission.
Binibigyan ang grupo ng 30 araw upang makapaglabas ng ulat ukol sa katototohanan sa likod ng mga alegasyon kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Inatasan na rin ng SC sina Judge Exequil Dagala ng Municipal Trial Court ng Dapa-Socorro sa Surigao; Adriano Savillo, Regional Trial Court Branch 30 ng Iloilo City; Domingo Casiple ng RTC branch 7 sa Kalibo, Aklan at Judge Antonio Reyes ng RTC Branch 61 sa Baguio City na sumagot sa mga alegasyon sa loob ng pitong araw matapos matanggap ang pormal na reklamo mula sa Palasyo.
Dagdag pa ng Korte Suprema, na magsisilbing bahagi ng complaint laban sa apat na hukom ang naging talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan na tumutukoy sa apat bilang sangkot umano sa illegal drug trade sa bansa.