Lt. Col. Marcelino at kasamang Chinese na nahuli sa drug raid kinasuhan na ng DOJ

 

Binaligtad ng Department of Justice (DOJ) ang nauna nitong desisyon na nagbabasura sa kaso laban kina Marine Lt. Col. Ferdinand Marcelino at ang kasama niyang Chinese at Yan Yi Shou.

Ngayon kasi ay sinampahan na ng DOJ sina Marcelino at Yan ng kasong may kinalaman sa iligal na droga.

Ito ay kasunod na rin ng pagkatig nila sa motion for reconsideration na inihain ng Philippine National Police (PNP) Anti-Illegal Drugs Group at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Inakusahan ng DOJ sa pamamagitan ni state prosecutor Alexander Suarez sina Marcelino at Yan ng paglabag sa Section 11 ng Article 11 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act o ang pag-aari o pagkakaroon ng iligal na droga.

Gayunman, hindi naman nabago ang pagbasura ng DOJ sa reklamong kaugnay sa paggawa ng iligal na droga at mga sangkap nito.

Ayon pa sa DOJ, nagsabwatan at nagtulungan sina Marcelino at ang kasama nito na kontrolin at isailalim sa kanilang kustodiya ang halos 76.70 kilos ng shabu nang walang otorisasyon mula sa batas.

Matatandaang si Marcelino na dating intelligence officer ng PDEA at ang kasama nito ay naaresto sa drug raid sa Sampaloc, Maynila noong Enero ng taong ito.

Read more...