Nagbitiw si Senator Francis “Chiz” Escudero bilang chairman ng makapangyarihang Committee on Finance ng senado at co-chairman ng Joint Congressional Oversight Committee on Public Expenditures.
“Irrevocable at effective immediately” ang resignation ni Escudero sa dalawang nabanggit na komite. Ayon kay Escudero, ito ay para matiyak na hindi mababahiran o mahahaluan ng pulitika ang budget deliberations.
Paliwanag ni Escudero, bagaman wala pang pinal na plano para sa kaniyang pagtakbo sa 2016 elections mabuting bitawan na niya ang nasabing chairmanship sa senado para hindi siya maakusahang ginamit niya ang kaniyang posisyon para sa pansariling interest. “Gusto ko sana habang nag-iisip at nag-aaral pa lamang (para sa 2016 elections) at kahit wala pang pinal na desisyon ay gawin ko na ito, kaysa masabing ginagamit ko ang pwesto ko para sa pansariling interest at wala akong delicadeza,” ayon kay Escudero.
Ang resignation letter ay isinumite ni Escudero kay Senate President Franklin Drilon, Martes ng umaga. Pinasalamatan naman ni Escudero si Drilon sa tiwalang ibinigay sa kaniya para mapamunuan ang dalawang komite.
Muli namang nilinaw ni Escudero na hanggang sa ngayon ay wala pa siyang napagdedesisyunan kaugnay sa tatakbuhang posisyon sa 2016 elections.
Pero ang mga nauna umano niyang pahayag sa kaniyang plano sa susunod na halalan ay sapat na para siya ay maakusahan na gagamitin niya ang chairmanship sa senado para sa pansarili niyang interest./ Chona Yu