Ayon kay Martinez, siya ay “Bosyo” o Kumander ng isa sa pinakamalaking grupo sa Maximum Security Compound sa NBP na Genuine Ilocano Group o GIG na ang miyembro ay nasa humigit-kumilang 2,200.
Sionabi ni Martinez na mahigpit na ipinatutupad ng kanilang grupo ang pagbabawal sa paggamit, pagbebenta o anumang transaksyon na may kinalaman sa droga.
Taong 2012 aniya nang lumapit siya kay Jaybee Sebastian na commander ng Sigue-Sigue Commando para siya ay matulungan sa kaniyang proyekto na makapagtayo ng multi-purpose building sa Bilibid.
Natulungan umano siya ni Sebastian at ang utang na loob niya dito ang naging hudyat para gumulo ang kaniyang buhay.
Kwento ni Martinez sa kamara, January 2013 tinawagan siya ni Sebastian at sinabing darating si Senator Leila De Lima na noon ay justice secretary. Nang magtungo si Martinez sa opisina ni Sebastian ay naroon nga si De Lima.
February 2013 nang ipatawag umano siya ni Sebastian para sabihan siya na kailangang makalikom ng malaking halaga para sa pagtakbo ni De Lima bilang senador.
Inutusan umano siya ni Sebastian na magbenta ng droga kapalit ang proteksyon at special treatment sa bilangguan.
Ani Martinez, alam ng lahat sa Bilibid na ang “salita ni Jaybee ay parang batas”, at ang sinumang hindi sasang-ayon sa kaniya ay mamamatay o tataniman ng droga o di kaya ay ipatatapon sa malalayong kulungan.
Kwento ni Martinez, para lang matiyak ang kaligtasan ng kaniyang grupo at maiiwas sila sa pagbebenta ng drugs, sinabi niya kay Sebastian na mare-refer na lang siya ng tao na pwedeng magbenta ng drugs sa labas.
Sa simula, pumayag si Sebastian, pero noong July 2014, kinausap muli siya nito at sinabing kailangan na talagang magbenta ng drugs ng mga miyembro ng GIG dahil mas malakas ang kita sa loob kaysa sa labas.
Sinubukan umano niyang kausapin ang kaniyang mga miyembro pero ayaw nilang pumayag.
Mula noon, nanlamig na umano ang pakikitungo sa kaniya ni Sebastian at December 2014 ay napasama siya sa mga tinaguriang Bilibid 19 na nailipat sa NBI.
Binanggit din ni Martinez na isang Col. Elly ang nag-obliga sa kaniya noon na magbigay ng P300,000 para kay dating BUCOR Director Franklin Bucayu.