Philippine Constabulary, nais buhayin ni Duterte

 

Ikinukonsidera ni Pangulong Rodrigo Duterte ang muling pagbuhay sa Philippine Constabulary para makatulong sa paglaban kontra terorismo.

Inanunsyo ito ni Duterte sa kaniyang pagbisita sa 10th Infantry Division ng Philippine Army sa Mawab, Compostela Valley.

Naniniwala kasi si Duterte na ang muling pagbuhay sa PC ay makakapagpalakas sa kampanya ng pamahalaan laban sa terorismo.

Aniya, maaring makatulong ang Constabulary sa pagharap sa urban terrorism.

Binuwag ni dating Pangulong Corazon Aquino ang Constabulary dahil sa mga umano’y pang-aabuso na naganap noong administrasyong Marcos.

Samantala, umapela naman ng pangulo sa mga sundalo na manindigan lamang sa kanilang mandato na protektahan ang integridad ng teritoryo ng bansa, pati na ang mga mamamayan.

Kapalit nito, ipinangako niya na sa ilalim ng kaniyang administrasyon, makakatanggap ang mga sundalo ng mga karagdagang benepisyo tulad ng mga bagong armas, body armor at dagdag sahod.

Read more...