2 NBI officials umamin na naghatid ng pera para kay De Lima

NBI Congress
Photo: Isa Umali

Dalawang tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang umamin na personal silang naghahatid noon ng drug money kay dating Justice Secretary at ngayo’y Sen. Leila de Lima sa bahay nito sa Parañaque City.

Sa pagdinig ng Kamara,  sumalang bilang testigo sina NBI Deputy Director Rafael Ragos, dating OIC ng Bureau of Corrections at NBI agent na si Jovencio Ablen.

Ang dalawa ang magkasama na naghahatid ng pera sa mismong bahay ng opisyal.

Ayon kay Ragos, Nobyembre ng 2012 nang ma-assign siya sa Bucor ay doon sya nagsimulang magdeliver ng drug money kay de Lima.

Ang una ay ang nakita niya sa kanyang quarter sa Bucor na nagkakahalaga ng P5 Million.

Ang nasabing pera ay galing umano sa drug lord na si Peter Co na nagpapatuloy pa rin ng illegal drug trade transaction sa loob NBP.

Ang ikalawang delivery ay naganap umano noong December 2012 at sa pagkakataong iyon ang pera ayon naman kay Ablen ay nasa isang plastic bag.

Sinabi pa ni Ablen na bawat drug lord ay binigyan din ng tara o quota na P100,000 kada linggo.

Sa pagdinig ng Kamara anim na testigo ang sumalang kung saan apat sa mga ito ay high profile inmates habang ang dalawa ay taga NBI.

Lahat sila ay binigyan ng immunity ng Kamara na ang ibig sabihin ay anuman ang isiniwalat nila sa pagdinig kanina ay hindi pwedeng gamitin laban sa kanila para sampahan sila ng kasong kriminal.

Read more...