Bukas ang Department of Justice (DOJ) na alisin ang arrest warrant laban kay Moro National Liberation Front (MNLF) founding chairman Nur Misuari, bilang hudyat ng peace talks sa pagitan ng pamahalaan at ng mga rebeldeng Moro.
Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, nakausap na niya si Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza kaugnay sa nakabinbing arrest warrant laban kay Misuari
Ito ay kaugnay ng Zamboanga siege noong September 2013 na tumagal ng dalawang linggo, ikinasawi ng 400 katao, sumira sa lungsod at dahilan rin kung bakit nawalan ng tahanan ang 100,000 residente.
Ani pa Aguirre, nakikipagtulungan na sila tungkol sa nasabing hiling ni Misuari, lalo’t bahagi ito ng peace talks na nais nilang tapusin na o ipagpatuloy nang muli.
Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Dureza na pangunahan na ang pakikipagusap sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at MNLF upang isulong muli ang Bangsamoro Basic Law sa Kongreso.
Sa palagay ni Aguirre, mas bubuti ang lagay ng seguridad ng bansa, at wala naman siyang nakikitang magiging problema sa MNLF dahil ang natirang problema na lang naman ay ang kay Misuari.
Pinasalamatan ng pangulo si Misuari sa pakikipagnegosasyon sa pagpapalaya sa Norwegian na si Kjartan Sekkingstad na halos isang taon nang bihag ng Abu Sayyaf.