Nadakip na ang pangunahing suspek sa pambobomba sa tatlong magkakahiwalay na lugar sa New York at New Jersey na ikinasugat ng hindi bababa sa 29 katao nitong nakalipas na araw.
Kinumpirma ni Linden Mayor Derek Armstead na nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek na kinilalang si Ahmad Khan Rahami, 28-anyos, isang US citizen na mula sa Afghanistan matapos ang pakikipagpalitan nito ng putok sa mga pulis.
Bago maaresto, itinimbre ng isang bar owner ang suspek na natutulog sa harap ng kanyang establisimiyento.
Nang dumating ang mga pulis, bumunot umano ng baril ang suspek na si Rahami at nagpaputok.
Dito tinamaan ng bala ang tatlo sa mga rumespondeng pulis bago nabaril ang suspek na si Rahami.
Si Rahami ang itinuturoing pasimuno ng pagtatanim ng bomba sa Chelsea New York, nitong nakalipas na Linggo na ikinasugat ng 29 na biktima.
Nadiskubre ang partisipasyon ng suspek sa serye ng pambobomba nang madiskubre ang fingerprint nito sa isang hindi sumabog na IED na kanyang itinanim.