Sa kaniyang pahayag, sinabi ni Ka Angel, kapatid ni INC Executive Minister Eduardo Manalo na responsable sa maling paghawak ng pondo sa INC sina Glicerio Santos Jr. na auditor ng INC at si Radek Cortez na miyembro ng Sanggunian.
Ayon kay Ka Angel, ang pera ng INC ay inilalagay nina Santos at Cortez sa mga proyektong wala namang kinalaman sa relihiyon. “Hingi sila ng hingi ng abuloy sa mga kapatid sa Iglesia, hindi na nila (mga kapatid) kaya. Inilalagay nila ang pera ng Iglesia sa mga proyekto na walang kinalaman sa relihiyon,” ayon kay Ka Angel nang siya ay magkaroon ng pagkakataon na muling dumungaw sa gate ng kanilang compound sa Tandang Sora, Quezon City.
Isa lamang sa mga tinukoy na anomalya sa INC ang pagpapatayo ng $200 million na Philippine Arena sa Sta. Maria, Bulacan.
Sinabi pa ni Ka Angel na mareresolba lamang ang krisis sa INC kung ang kapatid nilang si Ka Eduardo ay makikipag-usap sa kanilang ina na si Ka Tenny at sa kanilang magkakapatid.
Nanawagan din si Ka Angel ng face-to-face talk kay Ka Eduardo para matugunan ang mga isyu sa INC kabilang na ang usapin ng korapsyon.
Sinabi ni Ka Angel na sa mga susunod na araw ay may ilalabas pa siyang mga ebidensya na magpapatibay ng kanyang mga alegasyon./Dona Dominguez-Cargullo