MRT Bus Project, tinangkilik ng pasahero

11787238_10207707061300456_1393047927_n
Kuha ni Erwin Aguilon

Mas pinipili na ng ilang pasahero ng Metro Rail Transit (MRT) ang sumakay sa bus sa ilalim ng “MRT Bus project” kaysa ang magbaka-sakali sa tren ng MRT.

Ang mga bus sa ilalim ng nasabing proyekto ay maaring masakyan ng mga pasaherong patungong Ortigas at Ayala galing ng North Avenue Station ng MRT.

Sa halip na pumila sa MRT, ang mga pasahero ay maaring sumakay na lamang na nasabing bus. “Lagi na lang akong magbu-bus pareho lang naman ang pamasahe tapos hindi ka na mahihirapan umakyat, hindi ka na pipila. Hindi pa laging nasisira. Saka sa bus kasi, kapag nakaupo na lahat ng pasahero, aalis na agad, hindi matagal maghihintay,” ayon sa isa sa mga pasahero ng MRT na patungong Ayala.

Ipinareho din ang pamasahe sa bus sa ilalim ng MRT Bus project sa pamasahe naman sa tren. Kung sa Ortigas bababa, P20 ang pamasahe at kung sa Ayala naman ay P24.

Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang nasabing pamasahe sa bus ay mas mura kung ang mga regular na pampasaherong bus ang sasakyan ng mga pasahero papunta sa dalawang destinasyon.

Magugunitang halos araw-araw na ang nararanasang aberya sa MRT. Ang nasabing mga aberya na bagaman ang ilan ay saglit na problema lamang ang nararanasan ay agad nagreresulta ng napakahabang pila ng pasahero lalo na sa North Avenue station kapag rush hour.

Dahil dito, habang hindi pa natututugunan ang problema sa mga tren sa MRT ay nagpasya ang pamahalaan na magtalaga muna ng mga bus na pansamantalang masasakyan ng mga pasahero kung ayaw nilang pumila ng mahaba at maghintay ng matagal sa tren./ Erwin Aguilon

Read more...