Tetestigo sa congressional inquiry kaugnay sa illegal drug trade sa New Bilibid Prison ang dalawa pang high-profile inmate laban kay Senator Leila De Lima.
Ayon kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre II sa unang araw pa lamang ng pagdinig, aabot na sa 30 testigo at resource persons ang kanilang ipiprisinta sa kamara.
Ang dalawa pang higi-profile inmates ay nakatakda na ring magsumite ng kanilang affidavits na magdedetalye ng kanilang nalalaman hinggil sa pagkakasangkot ni De Lima sa illegal drug trade sa Bilibid.
Nauna nang pinangalanan ni Aguirre sina Herbert Colangco at Noel Martinez na dalawang preso sa Bilibid na tetestigo sa pagdinig ng kamara.
Noong Huwebes, dinala na ang dalawa sa isang pasilidad na kontrolado ng Intelligence Service of the AFP (ISAFP) sa Camp Aguinaldo sa Quezon City.
Samantala, sinabi rin ni Aguirre na kabilang din sa mga tetestigo laban kay De Lima ay si National Bureau of Investigation (NBI) Deputy Director Rafael Ragos at NBI escort Junior Ablen.
Sa magaganap na pagdinig bukas, kukumpirmahin ni Ragos na nag-deliver siya ng P5 milyon kay De Lima na noon ay kalihim pa ng DOJ, at ang pera ay mula sa Bilibid.
Si Ragos ay kilalang malapit kay De Lima, bago siya naging NBI Deputy Director. Nagsilbi pa si Ragos bilang direktor ng Bureau of Corrections (BuCor) mula 2012 hanggang 2013.
Ayon kay Aguirre, inamin mismo ni Ragos na noong siya ay officer-in-charge sa BuCor may mga pagkakataon na siya ang nagdedeliver ng ‘Bilibid’ money kay De Lima.
Napaamin umano si Ragos matapos na mismong ang driver-escort nito na si Ablen ay tumestigo kaugnay sa Bilibid drug money.