Ayon kay AFP Public Affairs Office chief Col. Edgard Arevalo, kung talagang nanilbihan si Matobato bilang kasapi ng Philippine Army o kahit ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU), dapat ay lalabas ang pangalan nito sa kanilang mga talaan.
Gayunman, wala silang nakitang pangalang Edgar Matobato sa records ng Philippine Army.
Pero ayon naman kay Army spokesperson Col. Benjamin Hao, dahil sinabi ni Matobato na ilang dekada na ang nakalipas nang siya ay maging kasapi ng militar, posibleng nasa mga lumang records ang pangalan nito.
Samantala, sinilip rin nila ang pangalang “Sali Makdum” na ayon kay Matobato ay isang dayuhang terorista na kanilang pinatay.
Ngunit ayon kay Arevalo, maging ang pangalang Makdum ay wala sa kanilang intelligence records.
Sa kaniyang pagharap sa Senado, sinabi ni Matobato na isa siyang hired killer at na minsan silang inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong ito ay alkalde pa sa Davao, na pumatay ng ilang mga personalidad.