Binigyan na niya ng direktiba ang Department of Public Order and Safety, pati na ang City Engineering Department na bumuo ng one-way traffic plan sa mga barangay ng Paligsahan, Sacred Heart, Roxas at Laging Handa.
Iniutos niya rin sa DPOS na pag-aralan ang re-routing ng trapiko sa ikatlong distrito ng lungsod, partikular sa mga barangay ng E. Rodriguez, Silangan, Socorro at San Roque.
Dalawang linggo lamang ang ibinigay na palugit ng alkalde sa mga nasabing ahensya para maipresenta na ang kanilang plano.
Una nang iniutos ni Bautista ang nasabing traffic scheme sa barangay South Triangle nang sa gayon ay maibsan naman ang trapiko sa Quezon Avenue hanggang Welcome Rotunda.
Ipinasara na rin ang mga u-turn slots sa Quezon Avenue papuntang EDSA, habang binuksan naman muli ang intersection ng Quezon Avenue corner Scout Borromeo at West 4th.