Ilang high profile inmates, nailipat na sa Kampo Aguinaldo ayon sa DND

New-Bilibid-PrisonKinumpirma ng Department of National Defense na nailipat na sa isang pasilidad sa loob ng Kampo Aguinaldo ang walong high profile inmates na mula sa New Bilibid Prisons sa Muntinlupa.

Ayon kay Defense Spokesman Arsenio Andolong, inaprubahan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang kahilingan ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre para mailipat ng piitan ang nasabing mga inmates dahil sa usaping panseguridad.

Hindi naman masabi ni Andolong kung sino ang mga inilipat na preso at kung bakit sila dinala sa detention center ng Armed Forces of the Philippines.

Batay naman sa duty guard, kagabi lamang inilipat ang walong inmates sa naturang pasilidad na binabantayan ng ilang mga sundalo at mga tauhan ng Bureau of Corrections.

Samantala, nilinaw naman ng Defense Department na pasilidad lang ang sagot nila atang BuCor ang may kustodiya ng mga ito kaya sila din ang bahala sa pagkain, transportation at seguridad ng mga preso.

Nauna nang sinabi ni Aguirre na nagpasya silang ilipat ang walong preso kabilang na ang drug lord na si Herbert Colangco dahil nakakatanggap ang mga ito ng pagbabanta sa kanilang buhay kaugnay ng nakatakda nilang pagharap sa pagdinig ng Kongreso bilang testigo laban kay Sen. Leila de Lima.

Read more...