Ayon kay Quezon City Police District chief Senior Supt. Guillermo Eleazar, nakilala ang hinihinalang terorista na si Juraid Sahibbun.
Naaresto rin ang umano’y drug lord ng Salam Compound na si Hadji Abraham na kasama sa drug watchlist ng QCPD.
Batay sa inisyal na ulat, isinagawa ang Oplan Tokhang at Galugad kaninang 11:30 ng umaga ng QCPD Station 3 sa pangunguna ni Supt. Danilo Mendoza.
Naging katuwang din ng QCPD Station 3 sa naturang operasyon ang Special Weapons and Tactics (SWAT), ilang barangay officials at ang presidente ng Brgy. Culiat Muslim Peace and Order na si SPO2 Hassan Adi.
Ayon pa kay Eleazar, umabot sa walumpu’t lima katao ang naaktuhang nagsasagawa ng pot session sa tatlong magkakahiwalay na bahay nang isagawa ang raid.
Narekober sa mga suspek ang 33 sachets ng hinihinalang shabu, apat na sachets ng marijuana, isang rolyo ng foil, sampung lighter, apat na weighing scales, labing apat na improvised toothers, tatlong bala ng 9mm na baril, isang 38 caliber, isang improvised samurai at walong cellphones.
Dahil dito, mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga nahuling suspek.