Ex-Palawan Gov. Joel Reyes, kinasuhan kaugnay sa fertilizer fund scam

 

Inquirer file photo

Kinasuhan sa Sandiganbayan si dating Palawan governor Joel Reyes, dahil sa pagkakasangkot umano nito sa Fertilizer Fund scam.

Si Reyes ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act kaugnay ng umanoy maanonalyanf pagbili ng P3.2-milyong halaga ng liquid fertilizers mula sa Masaganang Ani Para sa Magsasaka Foundation Inc. (MAMFI) noong 2004 ng walang public bidding.

Ang MAMFI, ay isang non-government organization na iniuugnay sa tinaguriang pork barrel scam queen na si Janet Lim Napoles.

Maliban kay Reyes, respondent din sa kaso si Department of Agriculture (DA) Officer in Charge Regional Technical Director Rodolfo Guieb, DA Regional Executive Director Dennis Araullo, at MAMFI President Marina Sula at kinatawan ng NGO na si Nathaniel Tan.

Si Sula, ay dating empleyado ni Napoles, at isa sa pangunahing testigo sa Pork Barrel scam.

Tatlumpung libong piso naman ang piyansa na inirekumenda para sa pansamantalang kalayaan ng mga akusado.

Si dating Gov. Reyes at kapatid na si dating Coron Mayor Mario Reyes ay nahaharap sa kasong kriminal kaugnay ng pagpatay sa broadcaster at environmentalist na si Doc. Gerry Ortega noong 2011.

Ang magkapatid na Reyes ay una ng naaresto noong 2012 sa Thailand.

Read more...