House leaders, nagpatawag ng caucus sa gitna ng suspension order kina Rep. Espino at Villafuerte

 

Inquirer file photo

Nagpatawag ng caucus ang mga lider ng Kamara upang pag-usapan ang kautusan ng Sandiganbayan na naguutos sa Kamara na ipatupad ang  preventive suspension sa dalawa nilang miyembro dahil sa mga kasong kinakaharap ng mga ito.

Ipinatawag ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang naturang caucus upang talakayin sa lalong madaling panahon ng mga party leaders kung ano ang kanilang gagawin sa kautusan ng antigraft court sa suspensyon nina Pangasinan Rep. Amado Espino jr., at Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte Jr.

Layunin umano ng pagpupulong ang matiyak na mapapanatili ng Kamara ang imahe nito sa gitna ng pagpapasuspinde ng Sandiganbayan sa dalawa nilang kasapi at upang maiwasan ang banggaan ng Kamara at ng hudikatura.

Gayunman, iginiit ni Ako Bicol partylist Rep. AlfredoGarbin Jr., na wala namang ‘pressure’ sa panig ng dalawang mambabatas na boluntaryong mag-leave sa puwesto.

Sa ngayon, nasa kamay na ng House rule committee sa pangunguna ni Rep. Rodolfo Fariñas ng Ilocos Norte ang pagtalakay kung ano ang susunod na gagawin ng Kamara sa dalawa nilang miyembro.

Si Rep. Espino ay pinasususpinde ng Sandiganbayan matpaos itong ireklamo ng graft dahil sa iligal umanong pagmimina ng black sand o magnetite sa kanyang lalawigan noong ito’y gobernador pa ng Pangasinan.

Si Rep. Villafuerte naman ay pinasusupinde ng antigraft court dahil sa reklamo ng kuwestyunableng pagbili ng P20 milyong halaga ng petroleum products noong 2010 habang ito ay vice governor pa lamang ng Camarines Sur.

Read more...