Inabswelto na ng Sandiganbayan si dating National Economic Development Authority secretary general Romulo Neri sa kontrobersyal na $328-milyon National Broadband Network deal o NBN-ZTE deal.
Si Neri ang ikalawang akusado sa naturang transaksyon na naharap sa kasong graft na inabswelto ng Sandiganbayan.
Ayon sa September 9 decision ng fifth division ng antigraft court, wala silang sapat na ebidensyang nakita upang madiin sa kasong graft ang akusadong si Neri sa NBN-ZTE deal.
Hindi anila napatunayan ng panig ng prosekyusyon na ito ang nagsilbing ‘broker’ sa pagitan ng ZTE Corp. ng China at gobyerno ng Pilipinas kapalit ng malaking halaga.
Dahil sa desisyon, pinaboran na rin ng Sandiganbayan ang petisyon ni Neri na humihiling na maibasura ang kaso laban sa kanya.
Una nang inabswelto ng fourth division ng Sandiganbayan ang kapwa akusado ni Neri sa NBN-ZTE deal na si dating Comelec Chairman Benjamin Abalos may apat na buwan na ang nakalilipas.
Matatandaang batay sa mga alegasyon noong 2007, binibigyan umano ng P200 milyon ni Abalos si Neri at si Amsterdam Holdings Inc., Jose De Venecia III ng 10 milyong dolyar upang umatras lamang sa bidding para sa national broadband network upang makuha ng ZTE ang kontrata.
Gayunman, lumalabas sa desisyon ng sandiganbayan na nabigo ang prosekyusyon na patunayan ang naturang alegasyon sa kasagsagan ng mga pagdinig.