Walang kahirap-hirap ang Office of the President at Office of the Vice President na idepensa ang kani-kanilang 2017 proposed budget dahil agad na inaprubahan ang mga ito ng House Appropriations Committee.
Siyam na minuto lamang tumagal ang hearing sa P20 billion na budget ng OP para sa susunod na taon habang tatlong minuto lamang ang para sa pagdinig ng P428.6 million 2017 budget ng OVP.
Nagtanong lamang ang mga kongresista kung nasaan si Vice President Leni Robredo dahil no-show ito para magpresenta ng budget.
Ayon sa Chief of Staff ng OVP na si Philip Francisco Dy, salungat ang schedule ng budget hearing sa schedule ng bise presidente dahil out of town siya ngayon.
Sinabi naman ni Appropriations Chairman Karlo Alexei Nograles, nagpa-abiso si Robredo na gusto sanang dumalo sa pagdinig dahil bilang dating kongresista ay alam nito ang kahalagahan ng budget hearing subalit hindi talaga kinaya ng schedule nito.
Para naman sa OP, wala na ring naging tanong ang mga kongresista pero ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman, sa committee level lamang tradisyon ang agarang approval at hindi applicable ito sa debate sa budget sa plenaryo.
Ang P20 billion na OP budget sa 2017 ay malaki ang itinaas kumpara sa P2 billion pesos ngayong taon.
P15 billion dito ay gugugulin sa pagdaraos ng ASEAN 50th anniversary sa Pilipinas sa susunod na taon.