WATCH: Pulis Maynila, nasa hot water matapos ideklarang patay ang drug suspect na buhay pa pala

Jong Manlapaz
Jong Manlapaz

Pinaiimbestigahan na ni Manila Police District (MPD) Director Senior Supt. Joel Coronel ang umano’y buy-bust operation na naganap sa Aldecoa Street, Malate Maynila Martes ng madaling araw.

Sa naturang operasyon sinasabi ng mga pulis na dalawang drug suspect ang napatay umano matapos manlaban as isinagawang buy-bust.

Gayunman, pagdating ng mga kagawad ng media, biglang gumalaw ang isa sa umano’y mga bangkay na kinordonan na sa lugar na pinangyarihan ng insidente.

Nakita ng mga media na nagtungo sa lugar ang suspek na gumalaw ang kamay, hanggang sa tuluyan na nitong itaas ang kaniyang kamay at saka tumayo.

Agad na isinugod sa Ospital ng Maynila ang lalaki na nakilala sa pangalang alyas JayR na nagtamo ng pitong tama ng bala ng baril.

Sa salaysay ni JayR, bigla na lamang umano silang pinagbabaril ng riding-in-tandem.

Mariin ding itinanggi ni JayR na kanila ang isang kalibre 22 na baril at isang kalibre. 38 na baril na narecover sa lugar.

Ayon kay Coronel, tiyak na mananagot ang mga pulis sakaling mapatunayang bogus ang buy-busy operation.

Sa nasabing operasyon patay naman ang isa pang suspect na kasamahan umano ni JayR.

 

Read more...