Ilang oras matapos mai-post sa Facebook page ng Official Gazette ng pamahalaan ang tribute nito para sa kaarawan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, tatlong beses na itong binago.
Umani kasi ng batikos ang post mula sa mga netizen na nagsabing tila binabago ng pamahalaan ng history at isinasantabi ang mga naidulot sa bansa ng deklarasyon noon ng Martial Law ng dating pangulo.
Matapos ang batikos at hindi magagandang komento, inedit na ng Official Gazette ng tatlong beses caption sa post, sa ikalawang beses ng pag-edit, binura pa ang post, inalis ang picture, at sa ikatlo, muling ibinalik ang picture na may mas maiksi nang caption.
Layon ng pag-post ng larawan ni Marcos sa nasabing FB page na bigyan ito ng pagkilala sa ika-99 na kaarawan niya kahapon, Sept. 11.
Sa original post, nakaagaw pansin sa netizens ang nakasaad sa dulong bahagi ng caption na “noong 1986, bumaba sa pwesto si Marcos para maiwasan ang pagdanak ng dugo”.
“In 1972, he declared Martial Law to suppress a communist insurgency and secessionism in Mindanao. In 1986, Marcos stepped down from the presidency to avoid bloodshed during the uprising that came to be known as ‘People Power’,” ang bahagi ng caption sa orihinal na post ng Official Gazette.
Pagkatapos umani ng galit na komento mula sa mga FB user, inedit ang caption at inalis ang mga katagang “to avoid bloodshed”.
Sa kabila ng pag-edit, tuloy ang pag-atake ng publiko sa post, at marami ang nagsabi na tila isinasantabi ng administrasyon ang paghihirap ng maraming Pinoy sa ilalim ng rehimeng Marcos.
Doon na nagpasya ang Official Gazette na burahin ang larawan at maglagay ng panibagong post, gamit ang parehong picture pero may mas maiksing caption.
Sa panibagong post, hindi na binanggit sa caption ang Martial Law o ang pagpapaalis sa pwesto sa dating pangulo at sa halip ay sumentro na lamang sa panahon ng paninilbihan niya bilang mambabatas at taon ng panunungkulan bilang pangulo ng bansa.