Sa ipinakita ni Duterte sa summit, pwede siyang maging lider ng ASEAN ayon sa isang political analyst

Photo from PCO
Photo from PCO

Malaki umano ang bentahe ni Pangulong Rodrigo Duterte para pamunuan nito ang Association of Southeast Asian Nation (ASEAN).

Ayon kay Prof. Clarita Carlos, isang political analyst, sa ngayon walang leader ang ASEAN at wala ding ibang presidente o pinuno ng ibang mga bansa sa Southeast Asia ang may potensyal para ito ay pamunuan maliban kay Duterte.

Sinabi ni Carlos na pagkakataon pa para kay Duterte ang pagiging chairman ng Pilipinas sa susunod na ASEAN summit.

“Walang leader ang ASEAN eh, si Jokowi hindi, Thailand hindi rin, i-timing natin na by rotation, chairman tayo ng ASEAN, magpakitang gilas tayo diyan,” ayon kay Carlos sa panayam ng Radyo Inquirer.

Sinabi ni Carlos na naging maganda ang performance ni Duterte sa katatpos na summit.

Hindi lang aniya ang mga kontrobersyal na pahayag ng pangulo ang naging dahilan kung bakit siya naging usap-usapan sa summit bagkus ay ang hindi maitatangging katalinuhan nito.

“May strategy itong tao na ito huwag nating i-menos ang kaniyang pag-iisip. China is dealing with a very political-savvy person, alam niya ang dynamics ng geo-politics,” dagdag pa ni Carlos.

Hindi rin aniya dapat palakihin ang isyu ng mga tirada o banat ni Duterte sa Estados Unidos o kay President Barack Obama.

Sinabi ni Carlos na hindi ito magiging dahilan para masira ang napakalalim nang relasyon ng Pilipinas at US.

Maliban pa dito, tiyak naman aniyang nakita ni Pangulong Duterte ang epekto ng paggamit niya ng kaniyang mga lenggwahe at alam niya ang kaniyang limitasyon.

Mabilis din naman ayon kay Carlos na humihingi ng paumanhin si Duterte tuwing alam niyang siya ay may pagkakamali.

Ang lalim ng relationship natin sa US, may VFA, may EDCA and many others. I think he is going to temper his language, nakita niya yung consequences na akala niya lagi he is addressing the domestic audience. Pero 71 na ito, hindi na iyan magbabago but knows the limit of what he can and he cannot do, at isa pa pag nagkamali siya nagsosorry siya,” sinabi pa ni Carlos.

 

 

 

 

Read more...