Ganito inilarawan ni Sen. Leila de Lima ang electoral protest na inihain ni dating Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Francis Tolentino, na natalo niya sa pagka-senador noong halalan.
Binanatan ni De Lima ang nasabing protesta ni Tolentino sa Senate Electoral Tribunal (SET) dahil sa umano’y pandaraya at iregularidad na naganap noong halalan, na ayon sa senadora ay wala namang basehan at ebidensya.
Iginiit rin ni De Lima na kulang sa form and substance ang protesta ni Tolentino, pati ang kakulangan rin ng hurisdiksyon ng SET para talakayin ang reklamong ito.
Nananawagan rin si Tolentino ng pagsasagawa ng forensic audit sa mga vote counting machines na ginamit sa ilang mga lugar, na bumilang sa higit sa 1.3 milyong boto.
Ayon rin sa tugon ni De Lima sa SET na isinumite niya noong July 27, nabigo umano si Tolentino na ihayag ang cause of action sa pagpapa-recount at pagpapabukas muli sa mga ballot boxes ng 60,611 clustered precincts sa buong bansa na kaniyang inirereklamo.
Minaliit rin ni De Lima ang petisyon ni Tolentino dahil aniya, madali namang makikita na ang mga alegasyong ibinabato sa kaniya ay walang katotohanan at “not standing in court,” at hindi rin sinusuportahan ng matibay na ebidensya.
Tatalakayin na ng SET sa preliminary conference sa October 6 ang nasabing poll protest.