Nagpapatupad na ng zipper lane sa bahagi ng Commonwealth Avenue sa Quezon City bilang bahagi ng paghahanda para sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno Aquino III mamayang hapon.
Madaling araw pa lamang ng Lunes, sarado na ang eastbound lane ng Commonwealth Avenue mula sa Ever Gotescto Mall hanggang sa St. Peter’s Church.
Naglatag ng mga concrete barriers ang mga pulis sa nasabing lugar para matiyak na hindi makalalapit ang mga magsasagawa ng kilos protesta sa bahagi ng Batasan.
Nagbukas naman ng zipper lane para sa mga patungo ng Fairview mula sa Jocfer Building hanggang sa tapat ng Commission on Audit (COA).
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ang mga galing sa bahagi ng North Avenue ay maarin nang mag-Mindanao Avenue diretso sa Quirino Highway kung sila ay patungo ng Fairview.
Kung galing naman sa EDSA, maari nang kumanan sa Congressional Avenue, kanan sa Sauyo Road, diretso sa Old Sauyo Road at Don Julio Gregorio hanggang sa Republic Avenue patungo ng Fairview.
Samantala, kasado na rin ang gagawing kilos protesta ng mga militanteng grupo. Sa headquarters ng grupong Bagong Alyansang Makabayan o BAYAN sa Quezon City, tinatapos na ang effigy ni Pangulong Aquino na magpapakita ng kapalpakan ng administrasyon sa pagtugon sa problema sa Metro Rail Transit (MRT3).
Ang mga grupo mula sa Southern Tagalog at Central Luzon ay nagsimula nang mag-martsa mula sa bahagi ng UP Diliman patungo ng Commonwealth Avenue. Tinatayang nasa isang libong mga raliyista na ang nasa bahagi ng Commonwealth ngayong umaga pa lamang.
Una nang nanawagan ang Malakanyang sa mga militanteng grupo na iwasan ang manggulo ngayong araw.
Ayon kay Communications Office Sec. Sonny Coloma, dapat pairalin ng mga grupong magsasagawa ng kilos protesta ang kaayusan at tiyaking susundin ang batas sa malayang pamamahayag.
Ang Philippine National Police naman ay nangakong paiiralin ang maximum tolerance sa pagsaway sa mga raliyista./ Dona Dominguez-Cargullo, Erwin Aguilon